
INILABAS na ang show cause order ng Land Transportation Office (LTO) ang sasakyang Ford Ranger na viral sa social media makaarng makuhaan ng video ng isang motorista na napaulat na nakatulog habang nagmamaneho sa Visayas Ave. sa lungsod ng Quezon.
Sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na ang imbestigasyon ay agad na inilunsad matapos mag viral ang post ng isang Yamato Kenji sa social media hinggil sa isang itim na Ford Ranger na may Plate No. NHD3814 na may higit sa tatlong milyong views.
“While it was stated in the video that the driver fell asleep, we want to know what really happened—kung nakatulog ba talaga at kung medical reason ay kailangan natin humingi ng katibayan dahil napakadelikado yung nangyaring yun,” ayon kay Mendoza.
Sa video, nakita ang pick-up truck na dahan-dahang bumabyahe sa kahabaan ng kalsada habang sinusubukang gisingin siya ng ilang motorista at sinusubukang ihinto ang sasakyan.
Nagresulta sa pagkasira ng ari-arian ang insidente at kalaunan ay nakitang nagising ang driver.
Agad na inilabas na ng show cause order sa rehistradong may-ari ng pick-up truck, na residente ng Quezon City.
Nakasaad sa SCO na hiniling sa rehistradong may-ari na ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat parusahan sa insidente na nilagdaan ni LTO-Intelligence and Investigation Division chief Renante Melitante at upang matukoy kung ang rehistradong may-ari ng nagmamaneho ng sasakyan sa oras ng insidente, at linawin ang mga ulat na ang driver ay lasing.
Kabilang sa mga ikinaso ng LTO ang kaso ng reckless driving, pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng alak at pagiging hindi awtorisadong tao na magpatakbo ng sasakyan.