INAASAHAN na ang mga pag-ulang dulot ng isang bagyo pagsapit ng Semana Santa, ayon mismo sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa kanilang inilabas na weather bulletin, isang tropical depression ang namataan sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), sa layong 2,435 kilometro silangan ng Mindanao at inaasahang papasok sa bansa sa Lunes Santo.
Ayon kay PAGASA weather bureau forecaster Raymond Ordinario, tatawaging bagyong Agaton ang nasabing sama ng panahon sa sandaling pumasok sa PAR.
Payo ni Ordinario sa mga nakatakdang bumiyahe para magbakasyon sa iba’t ibang lalawigan, paghandaan ang masamang panahong dala ng bagyo sa mga patutunguhang lugar.