
ISANG mayoralty bet na ipiniit sa bilangguan ang pinawalang-sala ng korte matapos mapatunayang inosente sa kinakaharap na kasong kriminal na rape at serious illegal detention.
Inatasan ng husgado ng Rosales, Pangasinan RTC Branch 53, ang Bureau of Jail Management (BJMP) na agad palayain si Lopez, Quezon Councilor Arkie Manuel Ortiz Yulde na nakapiit sa BJMP Custodial facility sabayan ng Balungao na sakop ng lalawigan ng Pangasinan.
Lubos ang pasasalamat ni Yulde na ngayo’y kandidatong alkalde ng bayan ng Lopez, sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na aniya’y tumulong sa kanya kaugnay ng aniya’y gawa-gawang paratang ni dating ManilaTimes correspondent Jaime Aquino.
Kwento pa ng mayoralty bet, masamang karanasan ang kanyang sinagupa sa loob ng piitan bunsod ng mga kasong bahagi aniya ng maruming pulitika. Sa record ng korte, nabigo ang mga nagsampa ng kasong maghain ng ebidensya.
Kumbinsido rin ang hukuman na pawang kathang-isip lang ang mga pangalang isinumite sa korte bilang complainant at witnesses — Jennyrose Tapiador, Cynthia Alvarida at Rommel P. Abad.
Pinatunayan rin ng Jose Reyes Memorial Medical Center sa Manila na walang dinalang pasyenteng nagngangalang Jennyrose Tapiador sa naturang pasilidad.
Paglilinaw ng husgado, bukod sa kawalan ng legal na batayan, napagkaitan rin ng karapatan sa speedy trial ang konsehal na napiit ng anim na buwan.
Sa pagharap sa media, hindi napigilan ni Yulde ang mapaluha dahil sa magkasunod na pagpanaw ng kanyang ama at inang pinaniniwalaang namatay sa sama ng loob kaugnay ng kanyang pagkakakulong.
Gayunpaman, tumanggi muna ang abogado ni Yulde na tukuyin ang nagsampa ng kaso hanggat hindi pa natatapos ang kanilang beripikasyon sa katauhan nito.