NASA heightened alert status na ang MRT-3 bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase bukas araw ng Martes, Agosto 29.
Inatasan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime J. Bautista ang MRT-3 na siguraduhing ligtas, maayos, at maginhawa ang biyahe ng linya sa darating na pagbubukas ng klase.
Sinimulan ng MRT-3 ang “Oplan Biyaheng Ayos: Balik Eskwela 2023” nitong Agosto 22 at iiral hanggang Setyembre 1.
“Sa direktiba ni Secretary Bautista, inatasan po natin ang bawat division ng MRT-3 na siguruhing sapat ang bilang ng tauhan na aagapay sa mga pasahero lalo na sa mga estudyanteng magbabalik-eskwela,” saad ni DOTr Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino.
“Gayundin, mayroon po tayong mga tauhan sa Operations Division na 24/7 nakatutok upang mabilis makaresponde sa anumang maiuulat na insidente sa kasagsagan ng balik-eskwela,” dagdag ni Asec. Aquino.
Mayroon ding sapat na bilang ng mga tren para matugunan ang anumang pagtaas sa bilang ng mga pasahero.
“Sa kasalukuyan, may 18 train sets na tumatakbo sa main line tuwing peak hours at nasa tatlo hanggang apat ang spare trains,” sabi ni Asec. Aquino.
“Bukas din ang Commuter Welfare Desks sa mga istasyon upang matugunan ang mga partikular na pangangailangan ng mga pasahero at estudyante sa buong revenue hours,” dagdag ng hepe ng MRT-3.