NAG-SUSPINDE ang lungsod ng Bacolod at ilang lokal na pamahalaan sa Negros Occidental ng mga face-to-face na klase nitong Lunes at Martes dahil sa masamang panahon dulot ng Tropical Depression Kristine.
Nag-isyu si Mayor Alfredo Abelardo Benitez ng isang executive order na nagkansela ng klase mula pre-school hanggang senior high school sa loob ng dalawang araw.
Sinabi ni Benitez na ang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante sa Bacolod City ang pangunahing prayoridad, kaya inihayag ang suspensyon ng klase.
Ayon sa Bureau of Fire Protection-Bacolod, hindi menos sa 281 indibidwal sa dalawang barangay ang inilikas matapos magflashflood sa mga mabababang lugar sa timog na bahagi ng lungsod.
Ang 252 indibidwal mula sa Fatima 2 Isla Noah sa Bgy. Sum-ag ay kasalukuyang nananatili sa Sum-ag Elementary School.
Mayroon ding 29 indibidwal sa Purok Maninihon, Bgy. Pahanocoy na na-rescue at dinala sa Medalla Integrated School sa Bgy. Tangub.
Dahil sa masamang panahon, nag-suspinde rin ng klase ang kalapit na Talisay City mula pre-school hanggang senior high school, simula Lunes ng tanghali at pati na rin sa Martes.
Nag-kansela rin ng klase noong Lunes ang mga lungsod ng Silay, Cadiz, Victorias, at Escalante pati na rin ang bayan ng E.B. Magalona dahil sa tropical depression.