Handog ng lokal na pamahalaan nitong araw ng mga puso ang mga bagong imprastraktura at tourist destinations sa Lungsod ng San Jose del Monte na tunay na maipagmamalaking tatak San Joseño.
Pinasinayaan ang bagong tayong Amphitheater with Stage na matatagpuan sa likod ng New Government Center, Barangay Dulong Bayan, na maaaring maging lugar para sa mga pagtatanghal at mga pagtitipon.
Kabilang rin sa pormal na pinasinayaan ang River Park Esplanade na maituturing na isa sa mga “perfect date spots” sa lungsod dahil sa magandang view at malawak na espasyo nito.
Kasabay nito ay nagkaroon rin ng Valentine’s Day Concert na handog ng magkatuwang sa serbisyo, Congresswoman Florida P. Robes at Mayor Arthur B. Robes bilang parte ng pagdiriwang ng araw ng mga puso.
Sa mensahe ni Department of Tourism – Region III, Regional Director Dr. Richard Daenos, nagpasalamat ito sa Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng San Jose del Monte sa pagsusulong ng turismo sa hindi lamang sa lungsod, maging sa buong probinsya ng Bulacan.
Sabay-sabay namang natunghayan ang pagpapailaw ng dancing fountain na sinundan ng makulay na fireworks display.
Ang River Park Esplanade ay bukas na sa publiko simula ngayong araw, February 15, 2023.