
ANIM na katao , kabilang ang tatlong bata ang nalunod makaraang mahulog ang isang overloaded na tricycle sa bukas na irigasyon sa Sto. Domingo, Nueva Ecija nitong Huwebes.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Jean Fajardo, kinilala ng Nueva Ecija police ang mga nasawi na sina Angelica Cinense, ang 34-anyos na driver ng sinasakyang tricycle at ang mga pasahero nitong sina Rengie Cinense, 8, Queen Joy Arciaga, 7, at Rhian Cinense, 6, pawang ng Sitio Buted, Bgy. Malayantoc, Sto, Domingo town.
Habang apat namang bata ang nailigtas na sina Queenie Arciaga, 10; King Jay Arciaga, 10, Jazzy Cinense, 9, at Jeannie Arciaga, 7; lahat ng Sitio Buted sa Bgy. Malayantoc.
Lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat na ang mga biktima ay sakay ng overloaded na trike na minamaneho ni Angelica pauwi ng paaralan nang makarating sa Sitio Dela Rosa sa Bgy. Baloc sa Sto. Domingo, biglang humiwalay ang sidecar ng tricycle dakong 5:30 p.m. noong Huwebes.
Nawalan ng kontrol ang babaeng driver sa trike hanggang sa mahulog silang lahat sa 16-feet deep irrigation canal.
Sinubukan ng mga residente sa lugar na iligtas ang mga biktima ngunit apat na bata lamang ang narekober nilang buhay.
Nalunod din ang dalawang lalaki na nagtangkang magligtas sa mga biktima. Kinilala ang mga ito na sina Fernando Maducduc, 59, at Joel Trinidad, 49, kapwa ng Bgy. Baloc sa Santo Domingo.