NABUHAYANG muli ang pag-asa ng mga naulilang kaanak na muli nilang makikita ang mga nawawalang padre de pamilyang dinukot sa magkakahiwalay na insidente sa Maynila at mga lalawigan ng Bulacan, Laguna at Rizal.
Ayon kay Colonel Wendel Arinas na tumatayong hepe ng Calumpit (Bulacan) police station, mayroon na silang natukoy na “person of interest” na posible aniyang makapagbigay ng linaw at impormasyon kaugnay ng pagkawala ng 10 katao ilang oras matapos dumalo sa palarong e-sabong sa nasabing karatig lalawigan ng Batangas nito lamang nakaraang buwan. Sa kabuuan, 34 katao ang naiulat na dinukot ng mga hindi pa nakilalang salarin – 10 katao ang dinukot sa magkahiwalay na insidente sa Laguna, anim sa Maynila, walo sa Rizal at ang pinakahuli ay ang pagdukot ng 10 indibiduwal sa nasabing lalawigan.
Gayunpaman, tumanggi si Arinas na iligwak ang pagkakakilanlan ng kanilang “person of interest” sa pangambang masunog umano ang isinasagawang follow-up operations na magkakatuwang na inilunsad ng Calumpit PNP, Batangas Provincial Police Office at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay ng naturang kaso.
Petsang Enero 6 nang idulog sa pulisya ng mga kaanak ang pagkawala nina Kagawad Edgar Malaca ng Barangay San Jose, Alexander Quijano at Atong Sacdalan mula sa bayan ng Hagonoy, matapos umanong magpaalam na dadalo sa e-sabong event sa Lipa City.
Kwento pa ng opisyal, lumalabas na sakay ng isang inarkilang van ang mga biktimang tumungo sa bayan ng Cavinti para bumili ng mga panabong na manok bago tumuloy sa Batangas.
Bukod kina Malaca, Quijano at Sacdalan, hindi na rin nagawang umuwi ng magkapatid na sina Nomer at Jeffrey Depano, kapwa residente rin ng Hagonoy, pagkagaling sa Lipa.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, isinakay umano sa isa pang van sina Nomer at Jeffrey.
Bagama’t natuntong abandonado ang van sa kahabaan ng MacArthur Highway, nananatiling misteryo pa rin kung patay o buhay pa ang magkapatid.
Natagpuan din sa abandonadong sasakyan ang ilang pirasong damit at pantalon na ayon sa mga kaanak ay ang mismong suot ng mga nawawalang indibidwal. Ayon pa sa kapatid ng isa sa mga biktima, natitiyak nilang galing na sila sa Lipa batay sa narekober na ticket sa pantalon ni Malaca.
Ayon sa isang impormante, pawang sangkot sa game-fixing sa e-sabong ang mga dinukot na kalalakihan.
Ang modus, dagdag pa ng impormante, ay ang pagbibitaw ng manok na tsope (walang kakayahang manalo) sabay pusta ng malaki sa kabila. Pakiusap ng mga kaanak ng mga nawawalang biktima, Makita man lang nila ang kanilang padre de pamilya – patay o buhay.