
SA pangunguna ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Halal Program katuwang ang
National Meat Inspection Service (NMIS) at City Veterinary Office ng Tanauan, Batangas, isinagawa
ang pagsasanay sa pagtatatag ng Halal Meatshop noong ika-16 hanggang ika-17 ng Agosto, 2023 sa
Argosino Hall, LARES Compound, Lipa City, Batangas.
Ito ay dinaluhan ng tatlumpong kalahok mula sa City Cooperative and Livelihood Development
Office, City Veterinary Office, Meat Shop Owners, Parenthood Marketing Association, Barangay
Animal Health Workers, at Muslim Community ng Tanauan City, Batangas.
Ayon kay DA-4A Halal Program Coordinator Zara, sa tumataas na demand ng halal na karne at sa
lumalaking populasyon ng mga kapatid na Muslim, ang pagtatag ng Halal meatshop ay makakatulong
upang magkaroon ng madaling akses ang mga mamimili sa Halal certified na karne.
Aniya sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, ang mga nagnanais na magsisimula ng meatshop ay
magkakaroon ng kamalayan sa mga dokumento at establisyimento na kinakailangan.
Unang tinalakay sa pagsasanay na ito ang mga batas o legal na basehan kung bakit kinakailangan ng
lisensya o permit sa pagtatayo ng isang meat establishment. Nagbigay ang tagapagsanay mula sa
NMIS ng mga listahan ng mga kinakailangan na dokumento, mga kagamitan at anyo ng establisyimento
upang marehistro at makakuha ng akreditasyon mula sa ahensiya nang sa gayon ay mabigyan sila ng
lisensiya.
Ang mga meat establishments na maaring irehistro at ihingi ng akreditasyon ay ang Slaughterhouse,
Poultry Dressing Plant, Meat Cutting Plant, Meat Distribution Center or Depot at Meat Cold Storage
Warehouse. Bawat isang establisiyimento ay may kanya-kanyang kinakailangang dokumento tulad
halimbawa ng business permit, floor plan at iba pa.
Mayroon din kinakailangang istraktural na dapat sundin tulad ng pisikal na istraktura, mga kagamitan at pasilidad.
Biinigyan diin din ng kawani mula sa NMIS ang mga angkop na paraan at mga batas sa paghawak at
paglipat ng karne mula sa katayan hanggang sa pamilihan nang sa gayon ay mapanitili ang kalinisan.
Ibinahagi naman ni Dr. Aries Garcia, City Veterinarian ng Tanauan City, Batangas, ang mga basic
requirements ng lokal na pamahalaan sa pagtatatag ng meatshop at mga responsibilidad bilang isang
meat traders.
Ipinakita din niya ang ibat ibang klase ng parte at gayat ng karne na depende sa
pangangailangan.
Samantala, nagbigay din ng inpormasyon ang kawani ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ukol sa mga istratehiya at mga dapat isalang-alang sa pagbebenta ng sariling produkto.