NANANAWAGAN sa palasyo ang isang babaeng kongresista laban sa e-sabong na huwag gawaran ng prangkisa ang mga operator nito dahil sa masamang epekto sa pamumuhay ng tao.
Giit ni YACAP partylist Rep. Carol Lopez, lubhang nakakabahala ang mga ulat patungkol sa e-sabong na aniya’y dahilan sa likod ng tumitinding problema sa kahirapan, bukod pa sa kabiguan ng pulisyang resolbahin ang kaso ng humigit kumulang 30 sabungerong una nang naiulat na dinukot sa Maynila, Bulacan at mga lalawigang sa Calabarzon.
“This is no longer just a matter of quick-money-making pastime that Filipinos are fond of but a crime-triggering activity and we all should be alarmed as a society,” ani Lopez.
Base sa mga report, pinaghihinalaang sangkot sa game fixing ang mga nawawalang sabungero na ayon sa imbestigasyon ng Senado ay umaabot na sa 31 ang bilang mula noong nakaraang taon.
Aniya, malinaw na indikasyon ang mga nasabing insidente ng paglaganap ng krimen sa hanay ng mga sindikato sa likod ng game-fixing at maging sa mga nalulubog dahil sa pagkalulong dito.
Isang halimbawa aniya ang kaso ni Patrolman Glenn Angolun ng Laguna PNP na inaresto matapos holdapin ang isang gasolinahan sa Sto. Tomas, Batangas makaraang mabaon sa utang sa laki ng talo sa e-sabong.
“The recent incidents of crimes reportedly related to e-sabong are the consequences of allowing this online gambling in the country and the cost is proving to be damaging in many aspects” pahabol pa ni Lopez.