Nanawagan ang BAN Toxics na alisin ang mga online ads ng mga pampaputi ng balat na ipinagbabawal ng FDA dahil sa taglay nitong mercury o asoge. Ang panawagan ay isinagawa matapos ang isang linggong pagsubaybay ng mga BT Patroller ng BAN Toxics pagkatapos ng 6.6 Mega Sale ng mga online shopping platform.
Sa isang liham na ipinadala ng BAN Toxics sa Food and Drug Administration (FDA) noong Hunyo 6, ang grupo ay nag-ulat ng mahigit 100 na ads ng mga ilegal na pampaputi na may taglay na mercury sa mga online marketplace sa Pilipinas. Ang mga sumusunod na produktong pampaputi ay ibinibenta pa rin sa kabila ng mga inilabas na FDA Advisories mula 2010 hanggang 2021 na nagbabawal sa mga produktong ito:
- C Collagen Plus Vit E Day & Night Cream (FDA Advisory No.2021-0646)
- Erna Cream (FDA Advisory No. 2013-053)
- Golden Pearl Cream (FDA Advisory No. 2013-053-A)
- Goree Products (Beauty Cream and Day & Night Beauty Cream) (FDA Advisory No. 2017-289)
- Jiaoli Products (Huichunsu Specific Eliminating Freckle Cream and Miraculous Cream) (FDA Circular No. 2010-004)
- Parley Goldie Advanced Beauty Cream (FDA Advisory No.2021-3043)
- Szitang Products (2in1/3in1 7day/10day Whitening, and Spot-Day Night Set) (FDA Circular No. 2010-011)
Tinugunan ng FDA ang liham galing sa BAN Toxics at sinabing silay ay nakikipag-ugnayan na sa mga online shopping platform para tanggalin ang mga nabanggit na produkto sa merkado.
FDA responded that “they have communicated with the online platforms to take down the online postings for the aforementioned products.”
Nakipag-ugnayan ang BAN Toxics sa Department of Trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng isang liham upang isumite ang resulta ng online monitoring ng ilegal na pampaputi na may taglay na mercury at himukin ang ahensya na gumawa ng kaukulang aksyon sa ilalim ng Republic Act 7394, o mas kilala bilang Consumer Act of the Philippines. Ang Consumer Act of the Philippines ay isang batas na naglalayong protektahan ang mga interes ng mamimili, itaguyod ang kanilang pangkalahatang kapakanan, magtatag ng mga pamantayan ng pag-uugali para sa negosyo at industriya, at magpatupad ng mga hakbang upang protektahan ang mga mamimili laban sa mga panganib sa kalusugan at kaligtasan.
“Patuloy naming babantayan ang mga online shopping site para sa mga ilegal na produkto tulad ng mga pampaputing may mercury at masigasig naming i-uulat ito sa mga regulatory agencies upang protektahan ang mga consumer mula sa pagkalantad sa ganitong kemikal,” sabi ni Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics.
“Hinihikayat rin namin ang gobyerno na ipatupad ang 2020 phase-out period sa Mercury-Added Products sa mga pampaputi ng balat,” dagdag ng BAN Toxics.