REREPASUHIN na ng Commission on Elections (Comelec) ang limitadong kampanya at magiging mas maluwag na ang panuntunan dahil sa patuloy na pagbaba ng kaso ng Covid-19 sa bansa
Sa pagdinig ng House committee on suffrage and electoral reform, kinumpirma ni National Comelec Campaign Committee (NCCC) Director Elaiza David ang aniya’y angkop na hakbang upang bigyang daan ang mas malawak na abot ng mga kandidatong kalahok sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Ani David, inaprubahan sa en banc meeting ang panukala ni Commissioner George Garcia na rebyuhin ang Comelec Resolution 10732 na nagtakda ng mahigpit at limitadong patakaran sa pangangampanya.
“I would like to share na rin po ‘yung information sa inyo na earlier lang po in the en banc meeting, there was a proposal by the newly-appointed Commissioner George Garcia for a revisit of Resolution 10732 and it was approved po,” sambit ni David sa pagdinig ng Kamara.
Kabilang aniya sa campaign guidelines na inaprubahan ng Comelec para rebisahin ay ang 50% venue capacity limit para sa mga political rallies, pagkuha ng permit sa Comelec bago magrally at ang limitadong bilang ng mga pinahihintulutang magbahay-bahay na kampanya.
Gayunpaman, hinimok ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga na maglalabas ang komisyon ng bagong guidelines bago magsimula ang local campaign sa Marso 25. “I hope that the updated guidelines are disseminated before the campaign period for local elective offices begins on March 25,” aniya.