NAGPAALALA ang Pamahalaang Lungsod ng Quezon sa publiko at sa mga naghahangad na manungkulan sa gobyerno na maging responsable sa paglalagay ng kanilang mga political banner at tarpaulin sa naturang lungsod bago ang opisyal na panahon ng kampanya .
Sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte , “Bilang mga public servant at mga nagnanais pumasok sa gobyerno, kailangan nating sumunod sa mga patakaran ng pamahalaan. Irespeto natin ang ganda ng Lungsod Quezon at iwasan natin ang pagkakalat ng ating mga political at advertising paraphernalia” .
Paalala ng alkalde na mayroong City Ordinance No. SP-2021 S-2010, ang anumang politikal na propaganda sa QC ay dapat lamang ipakita o i-post sa mga common posting area na itinalaga ng Commission on Elections (COMELEC) dagdag pa nito.
Nakapaloob rin sa ordinansa ang pagbabawal ng anumang mga election material na ipapaskil sa mga poste ng Meralco, mga pampublikong kagamitan at pasilidad tulad ng mga karatula sa kalye, traffic lights, street signs , tulay, at mga overpass sa QC.
Kabilang din sa mga ipinagbabawal na bagay ang mga streamers, tarpaulins, tin plates, stickers, pamphlets, decals, printed notices, signboards, billboards, at iba pang advertising paraphernalia.
Bawat barangay sa QC ay magkakaroon ng COMELEC-designated Poster Area. Hindi dapat maapektuhan ng site ang anumang poste ng kuryente, puno, at pader o gusali ng gobyerno.
Samantala, maaari ring aprubahan ng COMELEC ang karagdagang poster areas para sa mga pampublikong lugar tulad ng plaza, palengke, at barangay centers, at mga kaugnay na lugar.