
Namahagi ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng tig-lilimang libong piso (P5,000) sa maliit na magpapalay mula bayan ng Guinayangan, Tagkawayan, at Mauban sa probinsiya ng Quezon.
Tinatayang nasa P8,685,000 tulong-pinansyal ang kabuuang natanggap ng 1,737 na
mga benepisyaryo.
Ang pamamahagi ng ayuda ay parte ng tuluy-tuloy na implementasyon ng Rice Competitive Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) na alinsunod sa Republic Act (RA) No. 11203 o ang “Rice Tariffication Law (RTL)” kung saan ang taripa mula sa mga inaangkat na bigas ay nakalaan sa mga interbensyon at ayudang ipinagkakaloob sa mga magpapalay.
“Sa ngalan po ni DA Assistant Secretary at DA-4A Regional Executive Director Arnel V. de Mesa, binabati namin kayo sa inyong matatanggap na salapi. Bunga ito ng ating pagtutulungan at suportahan sa bawat isa. Nawa’y makatulong ito sa inyong kabuhayan,” ani Quezon Agricultural Programs Coordinating Officer G. Rolando P. Cusay.
“Salamat po sa DA sa tulong-pinansyal na aming natanggap. Gagamitin ko po ito para sa pambili ng inputs at pangangailangan sa aming pamilya,” ani Gng. Amelia Pedrezuela, magpapalay mula sa Guinayangan, Quezon.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad sina Quezon 1st District Representative at House Committee Chairman on Agriculture and Food, Cong. Wilfrido Mark Enverga; Congw. Angelina DL. Tan representative G. Mike Tan; KALIPI Quezon Federation President Atty. Joanna C. Suarez; Guinayangan Mayor Cesar J. Isaac III; Tagkawayan Mayor Luis Oscar T. Eleazar; Mauban Mayor Marita T. Llamas, at iba pang kawani ng DA-4A,
Provincial Local Government of Quezon, at Local Government Units.