BUNSOD ng hidwaan ng dalawang oil-producing countries na Ukraine at Russia, inaantabayanan na ng mga tsuper kung kailan maipagkakaloob ang pinangakong subsidiya sa krudo.
Nakikipag ugnayan na si Land Transportation Franchising of Regulatory Board (LTFRB) Director for the National Region Atty. Zona Tamayo sa DOTr at DBM upang mapabilis ang pagbibigay ng pondo sa kanilang tanggapan.
“Wala pa po ‘yung eksaktong petsa pero tayo ay nagmamadali na rin po sa Department of Transportation (DOTr) at LTFRB kaya nakipag-ugnayan na tayo sa DBM upang ma-release na po ang budget sa amin,” ani Tamayo.
Sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA), magkakabisa lamang ang subsidiya sa sandaling pumalo sa $80 kada bariles sa loob ng tatlong buwan ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Gayunpaman, tinatrabaho na aniya ng LTFRB sa Department of Energy (DOE) ang isang sertipikasyong tugon sa rekisitors sa ilalim ng naturang probisyon ng 2022 GAA.
Sa pagtataya ng DOTR, aabot sa 77,443 benepisaryo ang angkop na tumanggap ng P6,500 one-time fuel subsidy para sa kabuuang halagang P2.453 bilyong pondo ng gobyerno.
Samantala, mananatiling nakabinbin sa LTFRB ang petisyong dagdag-pasaheng isinusulong ng mga tsuper ng mga pampasaherong dyip.
Katwiran ni Tamayo, pinag-aaralan pa ng pamahalaan ang posibleng epekto nito sa presyo ng iba pang pangunahing bilihin sa mga pamilihan.
“Iintindihin ho natin na kailangan po nating balansehin ito dahil alam naman po natin na may domino effect po sakaling magtaas ng pamasahe, apektado rin po yung presyo ng ibang bilihin,” pahabol pa niya.