Doble higpit ngayon ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kasunod ng paglabas ng isang intelligence report kaugnay ng isang planong paghahasik ng terorismo sa bansa. Ang target – mga Amerikano at mga Israeli na salungat sa idelohiya ng international terrosit group na kilala sa tawag na Hamas.
Sa isang pahayag, kinumpirma ni PNP Intelligence Group director Neil Alinsangan ang terror plot na aniya’y batay sa timbre ng isang local contact na pasok sa nasabing terrorist group. Aniya, kilala ang Hamas sa mga aktibong aktibidades sa bansang Israel at mga karatig bansa sa nasabing rehiyon sa Asya.
“Our Filipino source identified the Hamas operative as ‘Bashir’ who was reportedly attempting to establish foothold in the Philippines with pledges of financial support to some local threat groups including militant extremists with links to the international terrorist organizations,” ani Alinsangan. “Coordination and information sharing with foreign and local counterparts disclosed that Bashir’s real name is ‘Fares Al Shikli who, allegedly, is the head of Hamas’s Foreign Liaison Section.
He has also an Interpol Red Notice and is charged with an Offense of Terrorism Logistic Support.” Nang tanungin kung gaano katitak ang PNP sa integridad ng nasabing intelligence report, sinabi ng opisyal na ang kanilang contact mismo ang kausap ni Fares Al Shiklina sa Malaysia kung saan umano pinlano ang nasabing terror plot.
Dagdag pa niya, taong 2016 pa lamang ay pasok na sa nasabing organisasyon ang impormanteng aminadong sumailalim sa pagsasanay sa larangan ng paggawa ng bomba. Katunayan aniya, nais pa umano ng lider-teroristang italagang local contact ang kanilang impormante sa Pilipinas.
Taong 2016 pa lang daw ay gino-groom na ni Fares Al Shikli ang source para maging local contact sa Pilipinas, habang binibigyan siya ng bomb-making training sa Malaysia.
Bukod sa karahasan, bahagi rin umano ng plano ang panggugulo sa paraan ng mga kilos protesta sa mga embahada at pagpapakalat ng mga video propaganda.
Hirit pa ni Alinsangan, dati na aniyang nagtangkang maghasik ng karahasan ang grupong Hamas, subalit naunsyami matapos madakip ng awtoridad noong 2018 sa Pampanga ang isang miyembrong chemist na itinalagang gagawa ng bomba at magkakasa ng mga pagkilos.
Pasok sa kategorya ng terrorist group ang Hamas sa mga bansang Canada, European Union, Israel, Japan, United Kingdom at Estados Unidos. Itinatag naman ng isang Sheik Ahmed Yassin ang grupong Hamas sa hangaring palayain ang mga Palestino sa pananakop ng Israel.