HINDI pa man ganap na umiinit ang kampanyahang kalakip ng nalalapit na halalan sa Mayo, laganap na ang vote-buying ng mga kandidatong hangad ay tiyakin ang panalo.
Ayon kay Myla Villanueva, na tumatayong chairperson ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), may mga natanggap na sila ng ulat kaugnay ng pagpapakawala ng malaking halaga sa mga malalaking lalawigan ng ilang mga prominenteng pulitikong kalahok sa 2022 general elections.
Pag-amin naman ni Villanueva, hindi kakayanin mag-isa ng PPCRV ang pagsusulong ng isang tapat, maayos at mapayapang halalan, kasabay ng panawagan sa pamahalaan para pakilusin ang iba’t ibang ahensya may mandato ay kakayahang tumutok, mag-imbesto at umaresto sa mga lantarang lumalabag sa alintunting inilatag ng Commission on Elections (Comelec).
“We hear a lot of issues about vote-buying and it’s very difficult for PPCRV alone to catch that and report it. I think it should be a national effort but we’re hearing a lot of big numbers being offered to people and families,” ayon kay Villanueva.
Kasabay nito, nanawagan ang PPCRV para sa nagnanais magboluntaryo at magbantay ng sagradong boto. Aniya, hindi sapat ang kanilang bilang kumpara sa dami ng mga polling precincts.