ITINANGHAL na kampeon ang labing-dalawang taong gulang na si Alexa Rinoa Aguinaldo mula sa Naic
Elementary School ng Cavite sa isinagawang Regional On-the- Spot Poster Making Contest ng
Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A).
Mula sa 215 na nagpasa ng litrato ng likhang sining online sa Kagawaran ay 25 mula sa iba’t ibang
paaralan sa rehiyon ang napiling sumabak sa nasabing kompetisyon na isinagawa face-to-face sa
Argosino Hall, Lipa Agricultural Research and Experiment Station, Batangas. Dito ay binigyan lamang
ang mga kalahok ng mga materyales na ½ illustration board, oil pastel, at pentel pen na kanilang
ginamit sa loob ng tatlong oras na pagguhit.
Katuwang ang Department of Education (DepEd) at Food and Agriculture Organization (FAO), ang
aktibidad ay pinangunahan ng DA-4A Regional Agriculture and Fisheries Information Section (RAFIS)
sa layon na maipamulat sa mga kabataan ang kahalagahan ng agrikultura at seguridad sa pagkain sa
pamamagitan ng sining.
Si Alexa ay nag-uwi ng sampung libong piso (P10,000) bilang Grand Winner na sinundan naman nina
Georgina Alexi Salvacion ng Trece Martires, Cavite (1st Place) na may limang libong piso (P5,000) at
Zachi Dominique Nohay ng Batangas City, Batangas (2nd Place) na may tatlong libong piso (P3,000).
Ayon kay Felipe Ryan Duatin na tagapagsanay ni Alexa, hindi nila akalain na maiuuwi ng paaralan ang
panalo dahil sa rami ng magagandang obra ng mga mag-aaral. Buo ang kanyang pasasalamat sa
malaking oportunidad na ibinigay ng Kagawaran. Irerepresenta ni Alexa ang CALABARZON sa
parehong kompetisyon sa nasyonal na nakatakdang ganapin sa ika-5 ng Oktubre. Ang mga nanalong
likhang sining ay ilalagay sa eksibisyon para sa selebrasyon ng World Food Day sa ika-16 ng Oktubre.