TINATAYANG 1 bilyong pisong halaga ng mga hindi rehistradong electronic cigarettes at vape ang nakumpiska ng ng Bureau of Customs (BOC)  sa Navotas nitong Marso 21, 2026.

Nag-ugat ang operasyon mula  sa impormasyong binuo ng Customs Intelligence and Investigation Service–Manila International Container Port (CIIS-MICP) mula sa  pinaghihinalaang pag-iimbak ng mga produktong vape na hindi sumusunod sa tamang regulasyon kaya inisyuhan  ng Letter of Authority (LOA) at Mission Order.

Natuklasan ng mga awtoridad ang 3,174 na master box ng mga hindi rehistradong electronic cigarettes at produktong vape na pinaghihinalaang ilegal na inangkat.

Ang mga produkto ay hindi rehistrado at walang Philippine Standard (PS) License o Import Commodity Clearance (ICC), na labag  sa Republic Act No. 11900 (Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act).

Ang mga item ay kabilang  din sa nabigyan ng  suspension order ng Department of Trade and Industry sa ilang mga brand.

Binigyang-diin ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno na ang operasyon ay naaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang pagpapatupad laban sa ilegal na kalakalan at protektahan ang mga mamimili.

Ang mga kinatawan ng warehouse ay inutusan na magsumite ng wastong dokumentasyon sa loob ng 15 araw upang patunayan ang pagsunod sa regulasyon.

Ang operasyong ito ay kabilang sa pinakamalaking pag-agaw ng mga produktong vape ngayong taon. Muling tiniyak ng Kawanihan na hindi nito papayagan ang paglaganap ng mga hindi rehistradong produkto ng vape, na lumalampas sa mandatoryong mga pagsusuri sa kaligtasan, tamang label, at pag-verify ng sangkap. Ang mga produktong ito ay nagdudulot ng malubhang panganib sa kalusugan sa mga mamimili.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *