LIMANG lalaki ang arestado matapos masabat ng mga awtoridad ang tinatayang P6.5 milyong halaga ng ilegal na sigarilyo na walang graphic health warnings sa Barangay Maricalum, Sipalay City, Negros Occidental.

Isinagawa ang operasyon noong Agosto 15, 2026, mula alas-5:46 hanggang alas-8:24 ng umaga, ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Negros Occidental Provincial Field Unit kasama ang mga tauhan ng CIDG Negros Island Regional Field Unit, Police Regional Office-Negros Island Region, Regional Maritime Unit at iba pang territorial police units.

Nakumpiska sa operasyon ang 129 master cases at 49 reams ng sigarilyo na walang kinakailangang graphic health warnings.

Ayon sa CIDG, nahuli ang limang suspek habang hawak, kontrolado at nagbababa umano ng mga sigarilyo mula sa isang banca. Lahat ng suspek ay nasa hustong gulang at mga residente ng Basilan at Zamboanga City.

Isinagawa ang operasyon alinsunod sa direktiba ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa ilegal at smuggled na tobacco products.

Binigyang-diin ng CIDG na ipinag-uutos ng Republic Act No. 10643 o Graphic Health Warnings Law ang paggamit ng pictorial at textual health warnings sa mga produktong tabako upang ipaalam sa publiko ang panganib ng paninigarilyo.

Ayon sa CIDG leadership, nagsisilbing babala ang pagkakasabat ng mga sigarilyo at pagkakaaresto sa limang suspek sa mga negosyanteng sangkot sa ilegal na kalakalan ng tobacco products na mahigpit na ipatutupad ang batas.

Patuloy naman ang CIDG sa pagsasagawa ng mga operasyon laban sa ilegal at smuggled na sigarilyo sa buong bansa.

By Admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *