BILANG bahagi ng patuloy na pagpapatibay ng kampanya laban sa kriminalidad sa Lalawigan ng Laguna, binigyang-diin ni PCol Sandro Jay DC Taffalla, Acting Provincial Director, ang kahalagahan ng pagtingin sa cybercrime bilang isa sa mga krimeng dapat bigyan ng mas mataas na prayoridad o “focus crime.”
Ayon kay PCol Taffalla, ang cybercrime ay patuloy na tumataas at nagiging mas komplikado sa paglipas ng panahon. Batay sa kanyang karanasan sa law enforcement, kapansin-pansin ang pagdami ng mga insidenteng may kaugnayan sa online scams at iba pang uri ng digital na panlilinlang, lalo na sa panahon ng mabilis na pag-usbong ng online transactions at e-commerce.
Aniya, sa kasalukuyang sitwasyon, halos araw-araw ay may naitatala umanong reklamo kaugnay ng cybercrime. Kabilang dito ang mga insidenteng hindi naipapadala ang mga biniling produkto kahit bayad na, maling item ang natatanggap ng mga mamimili, at mga kaso ng unauthorized access o pagkawala ng laman ng e-wallets at online accounts.
Dahil dito, iginiit ni PCol Taffalla ang pangangailangan na mas palakasin pa ang kampanya ng kapulisan laban sa cybercrime. Bagama’t kasalukuyang nakatuon ang monitoring sa mga tradisyunal na focus crimes, naniniwala siya na panahon na upang kilalanin ang cybercrime bilang isa sa mga pangunahing krimeng dapat bigyang prayoridad.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin niya na ang dami at dalas ng mga insidente ng cybercrime ay hindi na dapat ipagsawalang-bahala. Aniya, mahalagang maisama ito sa listahan ng mga focus crimes upang mas mapalakas ang mga hakbang sa pag-iwas, pagsugpo, at agarang pagtugon sa ganitong uri ng krimen sa Lalawigan ng Laguna.

