Photo caption from left : Mrs Teresita Ang See, founding Chairperson, Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO), PBGen Edwin C Balles – Acting director, Anti Kidnapping Group(AKG) , Mr. Melvin Dy, Chairman, MRPO
Camp BGen Rafael T. Crame, Lungsod Quezon – Ipinagmalaki ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang paghatol ng korte sa kasong kidnapping for ransom laban sa isang negosyante, na itinuturing nilang malaking tagumpay para sa katarungan, batas, at kaligtasan ng publiko.
Nagsimula ang insidente noong Setyembre 2, 2025 nang sapilitang dakpin ang biktima ng mga armadong suspek.
Sa pamamagitan ng walang humpay na operasyon, matagumpay na nailigtas ang biktima noong Setyembre 11, 2025 at nahuli ang lahat ng sangkot sa krimen.
Sa loob lamang ng 24 oras matapos ilunsad ang hot pursuit operations, naiugat at naaresto ng mga operatiba ang kabuuang 11 indibidwal na kaugnay ng krimen.
Kasabay nito ang pagkawasak ng kriminal na sindikato na nasa likod ng insidente. Hatol ng Korte Noong Hunyo 30, 2026, sa Regional Trial Court, Branch 225, Lungsod Quezon, sa pamumuno ni Judge Maria Luisa Lesle G. Gonzales-Betic, hinatulan ang pitong akusado na guilty beyond reasonable doubt sa kasong Kidnapping for Ransom.
Sila ay kinilala bilang sina Juvelito Manalili y Genilo, Juan Estefano y Morales, Randy Alvarez y Marquez, Victoriano Bernido, Jr. y Lucero, Alan Alegria y Ravelo, Potenciano Alegria y Ravelo, at Jomar Urbina y Corpuz.
Sila ay sinentensyahan ng Reclusion Perpetua o panghabambuhay na pagkakulong na walang karapatang makapag-parole. Inutusan din silang magbayad ng: – Php 100,000.00 bilang civil indemnity – Php 100,000.00 bilang moral damages – Php 100,000.00 bilang exemplary damages Lalagyan ito ng 6% na interes taun-taon simula sa pagiging pinal ng desisyon hanggang sa mabayaran nang buo.
Mabilis na Hustisya Ang kaso ay naresolba sa loob lamang ng siyam na buwan dahil sa dedikasyon at koordinasyon ng PNP-AKG, mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at mahalagang tulong ng biktima, pamilya nito, at mga saksi. Binigyang-diin na mahalaga ang maayos na pag-iipon ng ebidensya at pakikipag-ugnayan sa Department of Justice upang masigurong matibay ang kaso laban sa mga akusado.
Ayon kay PBGEN Edwin C. Balles, Acting Director ng AKG, ang desisyon ay patunay ng kanilang pangako na protektahan ang mamamayan. “Pinapakita nito na sa pamamagitan ng pagkakaisa at mabilis na aksyon, mabilis na makakamit ang katarungan,” pahayag ni Balles.
